Tuesday, November 27, 2007

Isang kwento....

Oras: 12:45 AM

Lumipas na naman ang isang araw. Akalain mo yun, bente-singko na ko? Sino mag-aakala na ganun lang yung edad ko. Sa laki ko ba namang ito eh meron bang maniniwala? Siguro may iba na meron pero karamihan, wala. Hindi naman iisang beses na nangyari sa akin na nagugulat ang tao na bata pa ako. Kung yun ngang kumukuha ng litrato sa COMELEC ang hirit sa akin nung nakita ang form ko eh: "Bente uno ka lang????" (nung panahon pong yun ha... wag na kumontra)

Oo na... alam ko nang hindi naman talaga ako mukhang bata. Batang isip siguro pwede pa itawag sa kin. Pero syempre kapag kailangan kong maging seryoso, eh masasabi nyo naman siguro na 'mature' na ko. Tanong nyo man sa nanay ko. Sigurado sasabihin nun ang totoo. Nanay ko pa!

Nung bata kse ako sadyang malaki na akong bata. Dala na rin kse na galing ako sa lahi ng matatangkad at malalaking tao. Awa ng Diyos hindi naman ako lumaki ng palapad, pataas lamang. Lumaki rin ako sa pamilya na tinatawag na close-knit. Nasanay na ako na laging kasama ang kapatid at magulang ko. O kaya tatawag ang nanay o tatay ko sa kin para kamustahin ako.
Nasanay rin ako na laging nilalambing ang kapatid kahit na dati kmeng madalas mag-away. Buti na lang nung lumaki kme eh close na kme. May pa-i lab u pa kme tuwing nag-uusap kme.

Bibo rin po ako nung bata ako. Kahit na hindi ako marunong kumanta, basta nagtawag ang host ng kakanta tas magbibigay ng prize, aba'y andyan na ako at tumatakbo. Ngunit sadyang nde ako biniyayaan ng angking talino sa pagkanta kaya ang ginagawa ko na lamang ay tumula. May litrato pa ako sa pinas bilang pruweba na kumakanta ako at tumutula.

Kahit na ganun ang kinalakihan ko, madalas rin akong tinutukso nung bata. Ganun naman talaga ata pag bata ka. Tampulan ka ng tukso kung may kakaiba sa iyo. Sa kaso ko, malaki kse akong bata. Kundi kapre, minsan higante ang tawag sa kin. Di pa naman ako tinawag na 'baboy'. (medyo bilugan po kse ako nung bata) Jollibee lang naman dahil sa pangalan ko na hindi nila mabigkas. (Di lang ma-appreciate ng mga kalaro ko ang maganda kong pangalan)

Dahil dito, ikinahiya ko ang tangkad ko. Naging mahiyain ako nung mga sumunod na taon. Naging malihim akong bata at oo, natuon sa pag-aaral ang mga ginagawa ko. Dito nagsimula ang pagiging 'geek' at 'nerd' ko. Masaya naman ako kahit na napabilang ako sa mga katagang iyun. Ganun talaga sa eskwelahan eh. Kung hindi ka popular, ikaw ay nasa mga 'nerds' o kaya sa mga outcast. Okey na rin ako sa pagiging 'nerd' kesa naman sa walang pumapansin sa kin o kaya nilalayuan ako. Ang mga kaibigan ko din ay kadalasang mga 'nerd' at honor students. Pero naging swerte ako at nagkaroon ako ng mga barkada na hanggang ngayon ay kaibigan ko pa rin. Sa pasko nga, balak nila akong kitain kahit saglit man lang.

Nung nagtrabaho ako naramdaman ko na bumalik ako sa pagkabata. Nagkaroon ako ng barkada sa una kong pinasukan. Nung panahon ng training, para kmeng mga bata na nagtatakbuhan sa Ayala at sa MRT. Di mo maiisip na mga nagtatrabaho na kme. Pero naging simula yun ng samahan namin na kahit umalis na ang iba sa amin eh mayroon pa rin kaming komunikasyon.
Hindi ko alam kung ano nangyari pero nung nakasama ko sila, nagsimulang mawala ang hiya ko. Siguro dahil na rin wala nang mga libro at exams na kailangan isipin at pagkaabalahan. Wala na rin ang mga nanunuksong kalaro. Unti unting bumabalik ang bibong bata.

Nagdesisyon ako na umalis papuntang Malaysia dahil sa isang simpleng dahilan: ayaw ko na sa Pinas. Ganda noh? Wala naman talaga akong kaplano plano kung ano ba ang gusto ko mangyari sa Malaysia. Kung tutuusin gusto ko lang naman sumakay ng eroplano. Mababaw na kung mababaw pero totoo po yun.

Dumating ako sa Malaysia at nakakilala ako ng mga taong naging mabuting impluwensya sa akin. Ang kukulit din kse nila at tinanggap nila ako bilang ako. Ang dating malihim, hayan... wala na. Lahat ng sikreto nalantad na. Bulgar na. Hayan na nga at may 100 pang nasulat sa akin. Akalain mo yun? Ganun nila ako kakilala? Kse naman pag komportable na ko sa tao, walang tigil na ko sa pagkwento ng mga kalokohan at kahihiyan ko sa buhay, kasama na ang makulit kong pamilya. Magaling lang naman akong magpanggap na parang walang pakialam sa mundo at kunwari'y di makabasag pinggan. Pero kapag nakilala na ko, yari, iba na ang tingin.

Habang binabasa ko ang 100 mga bagay na naisulat tungkol sa kin, nun ko lang nakita na ang laki na rin pala ng pinagbago ko simula ng bata ako. Walanghiya na pala ako ulit. hahaha! Biro lang. Ang totoo, napagtanto ko na may mabubuting mga tao na nakilala ako at tinanggap kung ano ako. At.... maraming nagmamahal sa akin.Laking pasasalamat ko na sila ang nakilala ko at nakakasama dito sa bansang ako'y isang banyaga.

Hindi ko rin inakala na magiging espesyal ako sa araw na ito. Sino ba naman ako para bigyan ng sorpresa? Eh simpleng bati lang naman, masaya na ko. Para tuloy akong nagdebut. Ganun pala ang feeling ng binibigyan ng munting paghahandog. Sabi ko kse dati kaya nde ako nagdebut eh dahil maghahakot lang ako ng papuri mula sa mga tao. Nde ko naman inakala na ganito pala yun. Madami palang version ang pagbibigay ng tribute.

Ngayon sa mga nag-isip at nakisama sa mga pakulong ito: Opo. Pinasaya nyo po ako sa araw na ito. Maraming maraming salamat sa lahat. Nde ko na mabilang kung ilang beses na akong nagpasalamat sa araw na ito. Yun lang kse ang naiisip kong sabihin na makapagsasabi kung ano ang nararamdaman ko. Andun na lahat yun. Laking pasasalamat ko (sabi sayo may 'salamat' na naman eh) sa Diyos na nagkaroon ako ng mapagmahal na pamilya at mga kaibigan. Wala na kong mahihiling pang iba. (keber na lang sa nanay ko kung hanggang ngayon eh ang sagot ko sa immortal question nya ay WALA)

Muli, maraming salamat. :)

P.S. Di po ako iyakin. Ang iniiyakan ko lang naman nang walang palya ay ang pelikula ni Maricel Soriano at Edu Manzano na Ama, Ina, Anak. Panoorin nyo rin. Tiyak maiiyak din kayo. Ang galing ni Angelica Panganiban eh. :)

No comments: